Senate Bill No. 2960, itinutulak ni Villanueva
NAGMUNGKAHI. Ipinanukala ni Senador Joel Villanueva ang Senate Bill No. 2960 para sa pagpapalakas ng edukasyon at kasanayan ng mga Pilipino

Senate Bill No. 2960, itinutulak ni Villanueva

Senate Bill No. 2960, Itinutulak ni Villanueva

     Isinusulong ni Senador Joel Villanueva ang Senate Bill No. 2960 o ang Lifelong Learning Development Framework Act, na naglalayong magsanib ang mga lokal na pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno upang paigtingin ang paglinang sa karunungan ng mga Pinoy.  

 

     Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2960, layunin ni Villanueva na palakasin ang Philippine Qualifications Framework (PQF) sa pamamagitan ng mas aktibong partisipasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Trade and Industry (DTI) sa PQF National Coordinating Council. Titiyakin ng pinalawak na kolaborasyong ito ang isang mas komprehensibong diskarte sa panghabambuhay na pagkatuto.

 

     Bilang pagkilala sa kahalagahan ng localized learning initiatives, binanggit din ng senador ang Balanga City, Bataan, bilang modelo ng mga lokal na pamahalaan sa pagtataguyod ng panghabambuhay na pagkatuto, partikular na sa pamamagitan ng mga programa tulad ng Barangay Learning Hubs at SMART University Town.

 

     Inilalahad ng Senate Bill No. 2960 ang konsepto ng “Learning Cities” at “Learning Municipalities,” kung saan bibigyan ng awtoridad ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng mga learning opportunities na angkop sa kanilang mga komunidad. Layunin din nitong mapabuti ang micro-credential initiatives at palakasin ang Philippine Credit Transfer System (PCTS) upang matiyak na ang mga iba’t ibang landas ng pagkatuto ay kikilalanin at pagpapahalagahan.

     Isa sa mga prayoridad ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ay ang Senate Bill No. 2960 at inaasahan itong makatutulong sa pagsasaayos ng sistema ng edukasyon at pagpapalago ng mga oportunidad sa mga Pilipino sa lahat ng yugto ng kanilang buhay.

Comments

No comments yet. Why don’t you start the discussion?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *