Paano Naman Ako?
“Bilang breadwinner, kung sarili ko lang ang iniisip ko, kaya ko na maging milyonaryo, pero hindi kaya ng konsensya ko, nasa taas ako habang nasa baba ang mga nakababatang kapatid ko. Ang gusto ko ay sabay kami babangon sa kahirapan.”
Sa maraming pamilyang Pilipino, inaasahang gagampanan ng panganay na anak ang tungkulin ng pamumuno sa loob ng istruktura ng pamilya. Kadalasang kasama rito ang pagiging pangalawang magulang sa mga nakababatang kapatid, pagpapakita ng halimbawa sa pag-uugali at akademya, at kalaunan, pagbibigay ng pinansyal na kontribusyon sa sambahayan. Pati sa pagsuporta ng pamilya, kasali na rin sa kanilang mga responsibilidad ang pagiging breadwinner.
Tila nakaukit na sa isipan nating mga Pilipino ang pagiging breadwinner ng panganay bilang “utang na loob” sa mga sakrispisyo ng mga magulang. Ang napakalalim na nakaugat na pamantayang pangkultura, habang ipinanganak ng pagmamahal at sakripisyo, ay lumikha ng isang stigma na mabigat sa maraming panganay na Pilipino.
“Anak, bantayan mo muna mga kapatid mo”
Sa murang edad pa lamang, malaking responsibilidad na ang pumapatong sa mga balikat ng mga panganay. Mula sa tungkulin sa pag-aalaga at pagiging pangalawang magulang sa kanilang mga nakababatang kapatid, hanggang sa pagiging emosyonal na suporta para sa kanilang mga magulang, ang panganay na anak ay nagdadala ng mga pasanin nang mag-isa habang nagpapanggap na sila ay masaya. Madalas nilang iniisip ang katagang, “Marami na silang iniisip, hindi naman ako dapat maging pabigat, kaya ko naman sarili ko diba?”
“Anak, pwede si ading muna?”
Para sa panganay, ang mga personal na pangarap at ambisyon ay kadalasang isinasantabi para sa kolektibong pangangailangan ng pamilya. Ang pagpupursige sa mga pangarap o mas mataas na edukasyon ay maaaring parang isang karangyaan na hindi nila kayang maabot kapag may mga bayarin, mga nakababatang kapatid na kailangang ipaaral, o mga magulang na aalagaan. Karamihan sa mga panganay sa Pilipinas ay karaniwang humihinto sa pag-aaral at nagsimulang maghanap ng trabaho dahil sa mga ito.
“Nay, tay, pwede bang ako naman?”
Bawat panganay ay may ganitong tanong na tila laging umaalingawngaw sa kanilang isipan, “Nay, tay, pwede bang ako naman?” Sa laging pag-uuna ng iba, tila wala nang naiiwan para sa kanila. “Kayo nalang muna, sa susunod na ako,” pariralang laging maririnig sa ating mga mga ate at kuya. Ngunit, ang lagi nilang pag-uuna sa iba ay unti-unting nagiging nakakapagod na rin ito para sa kanila. Minsan napapaisip nalang sila na, “Palagi nalang sila ang nauuna, paano naman ako? Paano ang aking mga pangangailangan? Pwede ba ako ang mauna? Tao din ako. Kailangan ko ring suportahan ang sarili ko, may sarili akong buhay.
Korona at Krus
Sa pagiging panganay, ito ay maihahalintulad sa pagdadala ng korona at krus nang sabay. Habang ang pagmamahal at dedikasyon para sa pamilya ang nagtutulak sa kanila upang magtiyaga, ang bigat ng responsibilidad at pasanin na kanilang dinadala ay nakakapagod at kadalasang nakakalimutan ng lipunan.
Kailangang magkaroon ng kamalayan ang mga pamilya at ang buong lipunan sa mga sakripisyong ginagawa ng mga panganay. Hindi masamang tumulong at magsakripisyo, ngunit nararapat din nilang maramdaman na may halaga ang kanilang mga pangarap at pangangailangan. Kailangang pag-usapan ang hamon ng pagbalanse sa pagtulong sa pamilya at pagtupad sa sariling mga pangarap, upang ang bawat panganay ay hindi lamang maging tagapagtaguyod para sa iba, kundi para sa kanilang sarili.