Kasong alarm at scandal, ihahain laban sa ‘Bogus Tribal Group’ sa Surigao
Mahaharap sa kasong alarm and scandal ang mga miyembro ng isang umano’y pekeng grupong tribo matapos nilang ilegal na ipasara ang ilang establisyimento sa Surigao City noong Biyernes, Enero 24.
Ayon kay Lt. Col. Mariano Lukban, pansamantalang hepe ng Surigao City Police, isasampa ang kasong alarm and scandal laban sa 40 miyembro ng Federal Tribal Group of the Philippines (FTGP) na pinamumunuan ni Jorgeto Corpuz Santisas, o mas kilala bilang “Datu Adlaw.”

Dagdag pa niya, ilang residente na ang nagsampa ng reklamo matapos ang insidente.
Kinondena rin ni Rico “Datu Alinghian” Maca, kalihim ng Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Caraga Chapter, ang grupo. Aniya, hindi kinikilala ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang FTGP, na diumano’y nagre-recruit ng mga hindi Lumad at naniningil ng ₱1,200 membership fee kapalit ng mga huwad na pangakong ₱25,000 buwanang allowance.
Samantala, iginiit naman ni Santisas na ang kanilang mga aksyon ay lehitimo at alinsunod umano sa kanilang karapatan bilang mga tribo. Ngunit mariing itinanggi ng NCIP ang kanilang pagiging kinatawan ng Lumad.
Sa kabila ng imbitasyon ni Surigao City Mayor Paul Dumlao para sa isang dayalogo, tumanggi ang mga lider ng FTGP na makipag-usap nang lantaran at nanatili sa kanilang compound.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente habang naghahanda ng mga dokumento para sa pagsasampa ng mga kaso laban sa FTGP.