APANtastic delicacy
Sa malawak na palayan ng Polomolok, South Cotabato, kung saan sumasayaw ang mga gintong butil sa ihip ng hangin, naroon ang isang matagal nang kalaban ng mga magsasaka—ang mga tipaklong. Para sa marami, ito’y simbolo ng sakuna, ng pagkasira ng pananim, at ng nawawalang pag-asa. Ngunit sino ang mag-aakala na ang peste ng kahapon ay magiging biyayang tinatangkilik ngayon?
Ito ang kwento ng “Apan”, ang kakaibang delicacy ng Polomolok na gawa sa tipaklong. Sabi nga nila, ang mga bagay na pinandidirihan ng iba, dito’y nagiging daan para sa kabuhayan.
“Isa ka takal sang baso akon,” wika na iilan.
Bakit nga ba baso? Ano ang meron sa baso na katumbas ay isang kilo ng bigas?
Hindi ito basta baso ng tubig o juice. Sa loob nito, nakahain ang pinakamatamis na tagumpay mula sa isang dating bangungot sa mga palayan—ang apan, pritong tipaklong na ngayon ay kinikilalang exotic delicacy ng bayan.
Taong 1998 nang unang maisip ni Elizabeth Estulgar na gawing negosyo ang pagbebenta ng apan. Sa una’y pag-aalinlangan ang naramdaman ng marami. Sino nga ba ang bibili ng peste? Ngunit sa loob lamang ng tatlong oras matapos niyang itinda ang mga ito sa gilid ng kalsada, naubos agad ang paninda niya. Simula noon, naging bahagi na ng kultura ng Polomolok ang apan.
Hindi biro ang proseso ng paghuli nito. Ito ay parang treasure hunting. Gabi ang pinakamagandang panahon para manghuli. Kailangan mong maghintay hanggang dumilim ang paligid, bitbit ang isang plastik na galon at flashlight na nakatali sa ulo. Ang mga metikulosong kamay at matatalas na mata ay kinakailangan upang makuha ang mga matatalinong tipaklong. Kapag umuulan, mas maraming nahuhuli, ngunit kapag bilog ang buwan, parang naglalaho sila sa dilim.
Pagkatapos mahuli, inilalagay muna ang mga apan sa freezer upang “patulugin” bago iprito sa mainit na kawali kasama ang paminta. Sa bawat piraso, maririnig ang malutong na tunog ng tagumpay. Sa halagang P50, makakabili ka na ng isang baso ng pritong apan—isang baso na punong-puno ng tapang, tiyaga, at pagkamalikhain ng mga taga-Polomolok.
Sa mahabang highway ng Polomolok, makikita ang sunod-sunod na mga nagtitinda ng apan—mula sa simpleng mesa hanggang sa mga maliit na tindahan. Sa bawat hintuan, maririnig ang parehong hirit ng mga bumibili: “Isa ka takal sang baso akon!”
Hindi lamang ito basta pagkain, kundi simbolo ng paglaban ng mga magsasaka sa hamon ng buhay. Ang dating peste ay naging biyaya. Sa bawat subo ng apan, nalalasap ang kwento ng kanilang tagumpay: mula sa hirap ng panghuhuli hanggang sa tamis ng pagkakaroon ng dagdag na kita para sa kanilang pamilya.
Kaya kung tatanungin kang muli:
“Ano ang pipiliin mo—bigas o baso?”
Sa Polomolok, mas pinili nila ang baso—isang baso ng apan, na puno ng kwento ng pagsusumikap at tagumpay, isang biyaya mula sa dati’y kalaban. Ang tanong na ito ay nagsisilbing paalala na minsan, ang pinakamalalaking biyaya ay nagmumula sa mga hindi inaasahang pagkakataon.